Mula sa OBE formatted syllabus ng kurso noong 2018 na inakda ng mga senior lekturers na nagtuturo nito noong 2017-2018.

Deskripsyon ng Kurso: Tatalakayin ang kasaysayan ng Pilipinas, nakasentro sa kaalaman mula sa arkiyoloji. Ipaaalam din ang malawak na ugnayan ng sinaunang kasaysayan ng rehiyon sa kasaysayan ng Pilipinas.

Mga Layon ng Kurso: Maipaalam ang kaparaanan ng pananaliksik na arkiyolohikal upang maging susi ito sa pagkakilala at pagtuklas nang may kritikal na pag-iisip sa malalim na kasaysayan ng Pilipinas at ugnayan nito sa matanda at malawak na rehiyong kinabibilangan.

Rationale: Sa pagpasok ng ika-21 na siglo, mabilis ang pag-unlad ng teknolohiya, paglaganap ng social media, at pagkakaroon ng iba’t-ibang pamamaraan sa pagsasakasaysayan ng ating nakaraan. Tuluyang nahaharap ang iskolar sa mahirap na kalagayang pakahulugan ang kanyang kasalukuyan. Ang arkiyoloji ay isang epektibong pamamaraan ng pag-unawa dito. Unang tinuro ang Arkiyoloji 1 noong Pangalawang Semestre ng Akademikong Taong 2002-2003.

Lingid sa karaniwang kaalaman, malawak at malalim ang kasaysayan ng Pilipinas bilang isang teritoryong kultural at pulitikal. Higit pa sa mga nasulat at ala-ala, hitik ito sa arkiyolohikal na kaalaman mula sa mga labi ng mga tao na namuhay dito. Marami sa mga salaysay na ito bagaman nakakalimutan ay matatagpuan sa pamamagitan ng isang arkiyolohikal na pananaw at pamamaraan ng pagsaliksik. Mula sa mga materyal na bagay na ginawa, ginamit o binago ng tao o mga artipak ay nakahimlay ang salaysay ng teknolohiya at kultura ng buhay ng tao. Umaalalay ang Arkiyoloji ng pananaw na nakabase sa materyal. Hindi tulad ng dokumento at ala-ala, na masasabing kakaunti o minsan ay walang basehan na materyal. Lahat ng uri ng tao ay nag-iiwan ng labi at ito ay maaaring pag-aralan at suriin ng arkiyoloji para sa pagpapaunlad at pagpapalalim ng kasaysayan. Sa pamamagitan nito mas inaasahang makakapag-aral ng inklusibong kasaysayan ang mag-aaral sa pamamagitan ng arkiyolohikal na pag-iisip.

Imahe: Mga palayok na nahukay ayon sa pananaliksik ng mga taga Pambansang Museo ng PIlipinas mula sa sayt na matatagpuan sa GIgantes Islands, Carles, Iloilo at naka-eksibit sa Iloilo Branch ng Pambansang Museo ng Pilipinas sa Iloilo City.